Proud na proud ngayon ang isang ina sa naging kabutihan ng kaniyang anak, matapos siyang regaluhan ng 6 na taong gulang niyang anak nitong Mother’ Day ng mga inipon nitong baryang mula sa kaniyang baon.
Masayang ibinahagi ni John Marie Villanueva, 24 anyos, mula sa Camiling, Tarlac, na napakabuti at napakaswerte niya sa kaniyang panganay na anak na si Marc Jilhan.
Umabot sa halagang P280 ang naging ipon ng kaniyang anak mula sa maliit na baon nito.
“First time po nangyari na nakapag-ipon po siya kaya nagulat din po ako,” kuwento ni Villanueva.“Maliit lang baon niya at halos araw-araw pag umuwi po siya, tinatanung ko po ano nabili niya, sumagot naman po siya [na] pagkain daw po. Kaya nong Mother’s Day, talagang napaluha po ko sa tuwa sa nagawa niya.”
Sinabi raw ni Marc Jilhan na ibili nila ng bigas ang pera dahil alam niya na ito ang pangunahing kinakain at ito rin ang ginagawang miryenda sa kanilang bahay.
“Alam niya po na lagi naming priority ang bigas, dahil ‘yun na rin po madalas niyang meryenda, ‘yung bahaw po,” saad ni Villanueva.
“Kaya ‘yun din po sagot niya sa akin noong Mother’s Day. Busog naman daw po siya dito sa bahay kaya sa school di raw po gutom,” dagdag niya.
Hindi naman daw binili ni Villanueva ng bigas ang regalo ng anak sa kaniya, bagkus ay sinabi niya sa kaniyang anak na ibili nila ito ng meryenda para sa kanilang apat na magkakapatid.
Kwentong Mother’s Day
Nagulat ako may inabot na plastic anak ko panganay ngaun lang hapon.
Convo namin
Sya: Mama ngayon na pala mother’s day narinig ko kila banny.
Ako: oo nak bakit?
Siya: Mama oh kunin mopo to regalo ko sayo happy mother’s day , ibili mopo Bigas naten
Ako: Salamat nak! Sabay (kinuha ko inabot nya at binuksan) ohh Anak saan mo nmn kinuha tong pera?
Sya: inipon kopo yan ma sa baon ko kapg may pasok
Ako: huh! Paano ngyare yun anak eh diba 10 lng minsan baon mo at diba lagi kita tinatanung kung ano binili mo at sumasagot ka binili mo pagkain.
Sya: sorry ma joke ko lng po yun kumakain naman ako dto bahay Kya di ako gutom sa school kya ipon ako .
Ako: naiintindihan kita Anak na gusto moko regalohan, pero ito diko ibibili Ng Bigas Sayo ito hayaan mo na kami ni papa magisip ng mga kailangan naten , iloveyou anak …
Memorable day (05/14/2023)
0 Mga Komento