Marami ang humanga at bumilib kay Michael Laurio Español noong 2018 dahil kahit na nagsa-sideline bilang construction worker, naging Top 1 siya sa senior high school.
Si Michael ang naging valedictorian ng senior high school graduates ng Gueguensangen Integrated School sa Pangasinan noong 2018.
Nakakuha siya ng average na 95 percent.
Ang kanyang kuwento ay ibinalita sa mga programa ng regional TV network at sa social media account ng isang pulitiko sa kanilang lugar.
Ang nakakabilib sa 22 anyos na binata, nagawa niyang pagsabay-sabayin ang mga responsibilidad bilang Supreme Student Government president ng school at tagapag-alaga ng kanyang tatlong nakababatang kapatid.
Siya kasi ang inasahan ng mga magulang nila na nagtrabaho noon sa Maynila.
Kumukuha siya ng Information Technology sa Pangasinan State University sa Lingayen.
“Until now, gumagawa po ako ng way para po kumita kahit sa maliit na halaga.
"Nag-e-extra pa rin po ako sa construction minsan, nagwe-waiter po, and any other small opportunities para kumita,” kuwento ni Michael.
“Before pandemic, nakaka-one month po ako na nakakapag-construction worker.
"But during pandemic, medyo madalang na and nung pagbaba po ng alert levels.”
Inilarawan ni Michael ang responsibilidad bilang construction worker.
“Madalas ko pong gawin is mag-assist po sa kasama kong mason or anyone na mataas pa sa akin.
“Madalas nagsisinsil ng flooring, poste, etc. Nagbubuhat ng sako-sakong semento at hollow blocks, naghahalo ng sementong pambuhos.”
Ang kita raw niya kada araw ay umaabot sa PHP250-PHP300.
Ngayon ay stop muna siya sa pagko-construction worker habang binubuo ang mga school requirements.
“Kasalukuyan po akong SK Kagawad ng aming barangay and graduating na po,” dugtong ng binata.
Namamasada ngayon ang kaniyang ama sa kanilang lugar at nasa bahay lang ang kanyang ina.
GRADES DONT DEFINE YOUr knowledge
Mensahe ni Michael, hindi nagtatapos sa isang kabanata ang mga nangyayari sa buhay.
“Laging maging positibo sa buhay at huwag na huwag sumuko sa lahat ng pagkakataon.”
Sabi niya, nagbunga ang pagsusumikap niya para maging valedictorian noong nag-graduate sa senior high.
Gayunpaman, mas sinubok daw siya ng panahon nang tumuntong ng kolehiyo.
Pero katuwiran ni Michael, “Pinaghusayan ko pa, di ako sumuko, at mas ginagawa ko pang positibo ang sarili sa bawat araw na lumilipas.
“Grades don't define your knowledge naman, e, ‘ika nga nila.
“Kaya sa buhay dapat marunong tayong dumiskarte, sipagan lang natin, tiyagain lang natin dahil mas masarap namnamin ang tagumpay kung ito ay pinaghihirapan."
Ngayong nalalapit na ang pagtatapos ni Michael sa pag-aaral, ano ang mga susunod na hakbang na nais niyang gawin?
“I am planning to take exams po in NAPOLCOM, PNP or any other professions, but while doing that if opportunity comes... Isasabay ko po maghanap ng stable job for the meantime.”
0 Mga Komento