Isa ang ML o Mobile Legends sa mga pinakasikat na mobile games o online games ngayon sa mga kabataan lalo na sa mga kalalakihan. Dahil sa pagkabagot na dulot ng pandemya, mas dumami pa ang natutong maglaro nito at nahumaling.
Gaya na lamang ng nakababatang kapatid ng netizen na si Markgil Carandang. Iyon nga lang, dahil sa sobrang pagkahumaling ng kapatid nito sa ML, napabayaan nito ang kanyang kalusugan.
Viral na ngayon ang isang Facebook post ni Carandang kung saan, ibinahagi nito ang kasalukuyang sitwasyon ng kanyang kapatid matapos na mapabayaan nito ang kalusugan dahil umano sa sobrang paglalaro ng ML. Ayon kay Carandang, madalas ay nalilipasan umano ito ng gutom dahil mas inuuna ng kanyang kapatid ang paglalaro ng ML.
Hindi naman umano sila nagkulang ng kanyang mga magulang sa pagpapaalala sa kapatid nito na kumain sa tamang oras at huwag unahin ang paglalaro. Maliban pa umano rito ay kadalasan ding inaabot ng madaling araw ang kanyang kapatid sa paglalaro lamang ng ML.
Katwiran umano nito palagi sa kanila ay kaya naman daw nito ang kanyang sarili. Ilang beses na umano itong binalaan ng kanilang mga magulang sa magiging epekto nito sa kanyang kalusugan ngunit, hindi ito nakinig.
Kaya naman, dahil sa kapabayaang ito ng kanyang nakababatang kapatid at sobrang pagkalunod sa ML ay lubusan nang naapektuhan ang kanyang kalusugan. Hindi direktang ibinahagi ni Carandang ang kondisyon ng kapatid ngunit, base sa mga larawang ibinahagi nito ay malayong malayo na ang kondisyon ng kanyang kapatid ngayon kaysa dati.
Napakapayat na nito at nakaratay na lamang sa higaan. Hindi na nga ito halos makilala kung ihahambing ito sa kanyang dating kalagayan. Kaya naman, payo ni Carandang para sa mga ginagawa umanong bisyo ang ML,
“Sana’y makapulot ng ideya ang makakabasa nito [at] sana’y walang mambash sa post ko… Nawa’y gawin nating libangan ang ML at ‘wag gawing bisyo. Sumunod tayo sa payo ng ating mga magulang at nakatatandang kapatid…”
Agad naman na naging viral ang Facebook post na ito ni Carandang at marami ang di napigilang maawa sa kondisyon ngayon ng kapatid nito. Karamihan din sa mga ito ay sang-ayon sa pahayag ni Carandang tungkol sa epekto ng sobrang paglalaro ng ML sa kalusugan.
Ani ng mga ito, huwag daw sanang sayangin ng ilan ang kanilang buhay dahil lamang sa sobrang pagkahumaling sa ML na nagreresulta umano sa kapabayaan sa sarili. Bago pa maging huli ang lahat ay sumunod umano sa payo ng mga nakatatanda.
Gayunpaman, mayroon namang ilang mga netizen na salungat ang pananaw tungkol dito. Ayon sa mga ito, wala naman umano sa paglalaro ng ML ang problema kundi nasa tao mismo na hindi kayang i-kontrol ang sarili. Dapat umano ay pairalin pa rin ang kanilang disiplina sa sarili at paglalaro.
“Hindi sa ML ang problema kundi sa tao. Nakadepende kasi ‘yan kung paano mo e-control, eh. ‘Yung laro, laro lang ‘yan. Pwede ka naman tumigil sandali para kumain tapos pahinga. ‘Yung mga pro-player nga di nagkaganyan eh na mas batak sila kasi binabalanse nila ‘yung sa laro, pagpapahinga at pagkain. Nasa tao ‘yan,” paliwanag pa nga tungkol dito ng isang netizen.
0 Mga Komento