Si Love Marie Ongpauco o kilala ng madla bilang Heart Evangelista ay isang aktres na kilala ring fashionista. Laman ito ng iba’t-ibang mga fashion magazines at articles dahil sa galing nitong magdamit. Maliban doon ay alam rin ng mga sumusubaybay sa kanya na ito ay malapit ang puso sa mga hayop, partikular na sa mga asong pinoy.
Naniniwala ang aktres na ang mga Aspin ay nararapat ring mahalin kagaya ng ibang mga aso na may breed, sa katunayan ay ito mismo may mga alagang Aspin. Mahal na mahal nito ang mga alaga kaya naman nang mawala ang isa sa kanyang mga furry friends ay talagang puspusan ang paghahanap nito at personal pa nitong sinuyod ang mga kalsada na malapit sa kanilang tahanan. Sa kanyang paghahanap ay nadaanan nito si Mang Jun, isang lalaking nakatira lamang sa kalsada.
Nakilala ni Heart si Mang Jun noong ika-18 ng Nobyembre habang binabagtas ang Gilmore Avenue sa Quezon City. Noong gabing iyon ay hinahanap ng aktres ang nawawalang aso nito na si Casper nang madaanan nito na kumakain ng hapunan si Mang Jun.
Nakatawag ng kanyang pansin ang mga asong kasalo nito sa pagkain habang nakaupo ito sa tapat ng isang gusali na sarado na noong mga oras na iyon kaya naman hinintuan niya ito at nakipagkwentuhan rito saglit. Ibinahagi ni Heart ang larawan na nakuha noong gabing iyon sa kanyang account sa Twitter at inilagay nito sa caption na kung madadaanan ng iba si Mang Jun ay batiin ito dahil ayon rito, isang inspirasyon ang lalaki.
Kalaunan ay nahanap rin ni Heart ang kanyang alaga sa tulong ng mga tao sa social media ngunit hindi doon nagtatapos ang lahat.
Walang kamalay-malay ang lalaki na si Heart pala ay nakipag-ugnayan na sa PAWSsion Project upang mabigyan ng matutuluyan si Mang Jun at ang kanyang mga alaga.
Ang PAWSsion Project ay isang non-profit organization na nakabase sa Bacolod at sila ay sumasaklolo sa mga asong inaabuso ng ibang tao o yung mga walang tirahan, kaya naman nakipagtulungan sila para maisagawa ang naturang project dahil bibihira ang mga katulad ni Mang Jun na kumukupkop ng mga asong lansangan kahit pa ito mismo ay walang-wala rin.
Ilang linggo inabot ang preparasyon at nito ngang ika-1 ng Disyembre ay sinorpresa nila ang butihing lalaki at dinala ito sa bago nitong bahay. Emosyonal si Mang Jun sa malaking biyaya na ipinagkaloob sa kanya at talaga namang napa-aga nang husto ang pagdating ng pasko sa kanila dahil mula noong araw na iyon ay hindi na sila matutulog sa malamig na semento. Maliban sa bahay ay binigyan rin si Mang Jun ng ilang mga appliances na magagamit nito sa araw-araw.
Ang mga litrato ni Mang Jun at ang emosyonal na video nito ay ibinahagi ng PAWSsion Project at ng mismong aktres sa kani-kanilang social media accounts.
Labis ang kagalakan at pasasalamat ni Heart sa grupo na tumulong sa kanya upang maisakatuparan ang kanyang kahilingan para kay Mang Jun. Tunay ngang bagay na bagay sa aktres ang kanyang pangalan dahil ito ay may busilak na puso na handang tumulong sa mga nangangailangan.
0 Mga Komento