Sarap sana maging bata! At kung maaaring maibalik lang sana ang panahon, tiyak marami ang mas gugustuhing bumalik sa pagiging musmos ulit. Walang iniisip na problema at malayo sa magulong sitwasyon ng mundo.
Wala rin sa kanilang kaisipan ang napakarami at malaking responsibilidad sa buhay. Tanging paglalaro, at puro kasiyahan lang ang nasa isip.
Walang bigat, at napakagaan ng mga isipan. Ganito rin sana kasaya ang naranasan ng lahat ng mga batang paslit.
Sa isang viral post, kabaligtaran ang nararanasan ng dalawang bata sa bigat na kanilang pinapasang mga paninda na inilalako nila sa mga karatig lugar upang kumita at makatulong sa magulang.
Sa post ni Corsenio Podador Inoferio, naantig ang kanyang puso nang makita ang maagang pagsisikap ng mga bata na binabaybay ang mahigit 34kilometers na layo para lang maraming madaanang lugar upang maipagbili ang kanya-kanyang pinapasan na batya na puno ng mga gulay.
“If you need an inspiration to keep going in life, ito po! “Mga bata from Canlawig, Maragusan, nakita ko sila dito sa Nabunturan, naglalako ng gulay,”
Ayun pa kay Corsenio, ganitong mga edad ng mga bata ang dapat ay nakikita nating nakikipaglaro at masayang nakikipaghalobilo sa mga kapwa nila bata, ngunit sa kanilang murang edad ay tila nalaktawan nila ang pinakamasayang bahagi ng buhay.
“Imbes na maglaro kayo at i-enjoy ang inyong pagiging bata, ang aga niyo namulat at humarap sa reyalidad ng buhay,”
Bakas sa mga mukha at katawan ng dalawang bata ang pagod at bigat ng kanilang pinapasan. Sa kanilang pagiging bata ay pasan na nila ang responsibilidad sa buhay.
“Balang araw, magtatagumpay rin kayo basta mag-aral kayo ng mabuti. Ipagpatuloy niyo lang ang inyong sipag at pagsisikap. Mag-ingat sana kayo sa inyong paglalakbay,”
Marami ang mga nahabag at humanga sa pagpupursige ng mga bata kahit pa sa kanilang murang edad ay kayod kalabaw na. May mga netizens din na nakapansin sa dalawa, at kung minsan ay inaabot na daw ng gabi ang dalawa sa kanilang paglalako at hindi umano ito umuuwi hanggat hindi nila nauubos ang mga paninda.
Ikinagulat din ng isa sa mga suki na ng dalawang bata sa layo ng lugar na kanilang inabot sa pagtitinda.
0 Mga Komento