Hindi pa extinct o tuluyang naglaho ang isang klase ng usa na sa kabundukan ng Marinduque lang matatagpuan.
Noong June 14, 2022, ay iniulat ng online news portal na MarinduqueNgayon na isang adult male Philippine Sambar o Marinduque Brown Deer ang nakita ng isang concerned citizen.
Pagala-gala ito at nanginginain sa kanyang taniman sa kabundukang bahagi ng isla. Hindi na binanggit ang eksaktong lugar upang mapangalagaan ang kaligtasan ng nasabing usa at mga kasamahan nito.
Ang Philippine Sambar ay pinaniniwalaang naubos na o naging extinct simula noong 1990. Kaya nang namataan ito ng concerned citizen, tinawagan niya agad ang Marinduque Animal and Wildlife Rescue Emergency Response Team (MAWRET).
Magadang balita ito, ayon kay Dr. Jose M. Victoria, ang provincial veterinarian ng Marinduque. Aniya, "Mula kalagitnaan ng 1990s hanggang sa huling bahagi ng 1990s, napaulat na extinct na raw yung ganyang uri ng hayop dito sa Marinduque.
"Iyan ay pagpapatunay na yung hinala nila na extinct na yung usa dito sa Marinduque ay kabaligtaran."
Nakiusap naman ang MAWRET sa mga taga-Marinduque na huwag huhulihin o sasaktan kung makakakita ng Philippine Sambar.
Itaboy na lang umano ang mga ito palayo kapag nasa kanilang taniman. Paliwanag ni Victoria, "Kung maaari bugawin na lang. Hindi namin ina-advise na yung mga ganoong uri ng hayop ay hulihin at i-relocate.
“Kasi yun yung kanilang natural na pamahayan [habitat]. Kung huhulihin sila, lumiliit yung tsansa na mag-survive sila sa paglilipatan."
Nakipag-ugnayan na rin ang lokal na pamahalaan sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) para masusing pag-aralan ang lugar kung saan nakita ang Philippine Sambar para mapangalagaan ang mga ito sa kabundukan ng Marinduque.
Ayon sa Provincial Veterinary Office, kinakailangang magkaroon ng information dissemination and education campaign sa mga lugar o barangay na may sightings ng mga hayop sa wild.
Ipinagbabawal ang panghuhuli, pagbebenta, at pamiminsala sa mga buhay sa wild sa ilalim ng Republic Act No. 9147, o “An act providing for the conservation and protection of wildlife resources and their habitats, appropriating funds therefor and for other purposes,” na nagkabisa noong July 30, 2001.
0 Mga Komento