Talagang kahanga-hanga ang mga batang mag-aaral na tumutulong pa sa kanilang mga magulang na maghanap buhay pagkatapos ng kanilang klase. Imbes na kasi na nakakapagpahinga na lang sana sila matapos ang buong araw nilang pag-aaral sa eskwela ay tinitiis na lamang nila ang pagod para lang kumita ng pera para may pambaon kinabukasan.
Ibinahagi ng netizen na si Arean Reanoga Tabalan ang larawan ng isang masipag na batang nagtitinda ng balut upang mayroon siyang pang-baon kinabukasan. Nakita ng netizen ang pagod na bata ngunit hindi pa rin ito umuuwi dahil kailangan pa raw niyang maibenta ang kanyang mga natirang panindang balut.
Nakilala ang batang balut vendor na si Jerahmeel Dela Cruz o mas kilala sa tawag na "Memeng." Siya ay nakatira kasama ang kanyang ama sa Marikina City. Ayon sa mga nakakakita sa kanya ay hindi ito tumatambay lamang sa isang lugar upang magbenta kung hindi nag-iikot ikot ito sa lugar para maglako ng balut.
Makikita sa larawan na inaantok na ito sa paghihintay na may bumili at maubos ang kanyang paninda para may maiuwi siyang pera. Napag-alaman na ginagawa na niya ang pagtitinda ng balut simula pa noong nasa Grade 5 siya. At ngayon na siya ay nasa Grade 7 na ay patuloy pa rin ang kanyang paghahanap buhay upang masuportahan ang kanyang sarili.
Wala na ang ina ni Memeng at ang kanyang ama naman ay may sak!t, kaya sa murang edad pa lamang ay natuto na siyang maghanap buhay para sa kanyang sarili.
Hinangaan ng mga netizens ang kasipagan ng bata at sinabi ng isa na,
"Kapit lang anak, may magandang plano ang Panginoon sayo, lahat ng paghihirap mo may hangganan, manalig at maging mabuting bata ka lang. Maging matatag ka anak, ang Panginoon ay suma iyo."
Wika ng isang netizen na dapat ang mga batang katulad ng Memeng ang tinutulungan ng gobyerno dahil napakasipag nila at sa murang edad ay inaaako na nila ang malaking responsibilidad sa buhay.
Nawa'y magsilbi sanang inspirasyon sa mga kabataan ang masipag na batang si Memeng.
0 Mga Komento