Noong 2021, nag-viral sa social media ang estudyanteng si Chrisken Sumili, 22-anyos, matapos kumalat ang mga larawan niya habang mangiyak-ngiyak na hawak ang isang bagong laptop na bigay ng kanyang dating guro.
Si Chrisken ay kumukuha ng kursong Metallurgical Engineering sa Mindanao State University-Iligan Institute of Technology.
Hindi inaasahang makatanggap ni Chrisken ng laptop mula sa dati niyang guro sa high school na si Melanie Reyes Figueroa, 54, dahil hindi naman siya humingi rito.
Sa Hinaplanon National High School sa Iligan City, Lanao del Norte nagtuturo si teacher Melanie.
Ayon kay teacher Melanie, kaibigan ng kapatid ni Chrisken ang lumapit sa kanya at sinabing kailangan nito ng laptop.
Kwento ng guro sa kanyang panayam sa The Philippine Star noong July 12, 2021, "Nag-PM po kasi ang friend ng kapatid niya sa akin, humihingi po ng ayuda dahil natanggal sa trabaho ang mga magulang niya dahil sa pandemic."
Dahil dito ay binisita ni teacher Melanie si Chrisken at nakita nitong lumang cellphone lamang ang gamit nito sa online class at nakiki-connect lang sa WIFI ng kapitbahay.
Kapag may exam naman, nanghihiram lang si Chrisken sa mga kaklase ng laptop.
Nagsagawa ng fundraiser si teacher Melanie at nakalikom ng PHP40,000 na ipinambili niya ng laptop ni Chrisken.
"Mga ka-batch ko po sa high school, mga former students ko po ang nag-ambag-ambag.
"Actually, sila po mismo ang nag-message sa akin na gusto nilang mag-pledge,” sabi ng guro.
Sa isa pang panayam kay teacher Melanie sa Balita Online noong September 19, 2021, sinabi nitong lima na ang nabigyan niya ng laptop at pangatlo si Chrisken.
Nagkataon lamang na nag-viral ito dahil naging emosyonal ang naging reaksyon ng estudyante.
“Actually po iyong kay Chisken pang-third na po iyon. Ànd as of this moment, nasa fifth na po tayo ng laptop. Kaya naman inulan po talaga ng tulong si Chrisken,” sabi ng guro.
Pawang mga honor students na cellphone lang ang gamit at walang kakayahang bumili ng laptop ang kanyang tinutulungan.
“Just imagine cellphone lang ang gamit sa online class samantalang iyong mga kaklase nila, naka-laptop.”
"Paano po sila makikipagsabayan nang patas? Kawawa naman po...” sabi niya.
Patuloy ang fundraiser ni teacher Melanie at tinawag niya itong “Laptop Para Sa Pangarap.”
Aniya, maswerte siya dahil may mga kaibigan siyang tumutulong upang makalikom ng pondo sa tuwing may estudyanteng gusto siyang tulungan.
Maging ang mga netizen ay nagbibigay rin aniya ng tulong kapag nananawagan siya sa kanyang Facebook account.
“At ang funds po ay nagmumula sa mga friends ko po sa Facebook. Nagpapadala po kaagad sila every time may post ako.”
Tuwing sasapit naman ang pasko ay may iba ring proyekto si teacher Melanie.
“Mayroon po akong Christmas wish na nagga-grant po ng wish ng student every Christmas,” aniya.
Nagbibigay rin si teacher Melanie sa mga ito ng mga sapatos, damit, at noche buena items.
Noong nakaraang Disyembre ay nagpasalamat ang guro sa lahat ng tumulong sa kanyang fundraiser.
“Two more days and it’s 2022 na, as I bid goodbye to 2021, can't help myself. It's unforgettable. Daghan [maraming] highlights ang nahitabo [nangyari]."
Pinasalamatan din niya ang lahat ng media outlets at media personalities na nag-interview sa kanya at nag-feature ng "Laptop Para sa Pangarap."
Photo credit: Teacher Melanie
“Thanks sa opportunity. I received so many messages, message request, friend request after that. I even met new friends and naging good friends kami until now.”
Masaya rin niyang ibinahagi na walong laptop pa ang kanyang naibigay sa mga deserving students.
“Thank you sa mga nag-message na even we don’t know each other, but nag-trust sila sa akin and send money for the laptops.”
Kinilala rin ng DepEd ang proyekto ni teacher Melanie.
“DepEd Iligan recognized the project, and na-include ako sa BigaTEN last October 5, 2021.”
Ang BigaTEN ay proyekto ng Region 10 schools division na nagbibigay ng parangal sa mga outstanding teachers sa rehiyon.
Nagbigay naman ng mensahe si teacher Melanie sa mga kapwa niya guro.
“Alam kong mahirap ang sitwasyon na kinalalagyan nating lahat, pero kailangan nating yakapin ang anumang meron tayo ngayon.”
“Kung dati, ginagawa natin nang buong husay ang mga trabaho natin noong wala pang pandemya, ngayon pa kayang mas kailangan tayo?”
“Hindi lamang po tayo dapat nakapokus sa ating mga gawain kundi isipin din natin ang mga mag-aaral. Sa panahon ngayon, hindi lamang natin dapat isipin ang mga sarili natin, kailangan din pong alamin ang sitwasyon nila.”
Payo naman niya sa mga estudyante: “Mas lalo ninyong pagbutihan ang pag-aaral dahil hindi lamang mga guro ang nagsasakripisyo ngayon, kundi maging ang inyong mga magulang na tumatayong partner ng paaralan.”
0 Mga Komento