Kayamanang maituturing lalo na para sa mga kababaihan ang kanilang kagandahan. Ang pagkakaroon ng makinis na mukha at magandang hubog ng katawan ay isa sa mga itinuturing na paraan upang maitaas ang kanilang kumpyansa at moralidad.
Ngunit paano na lang kaya kung ang iyong taglay na hitsura, ay hindi kaaya-aya?
Kagaya ng normal na sanggol, ipinanganak ng may makinis na balat ang ngayo’y dalagita ng si Joanna Sisracon. Ngunit noong Oktubre 27 2003 ay nagsimulang magbago ang buhay nito.
Limang buwang gulang pa lamang siya noon nang sa di inaasahang pagkakataon ay nasunog (2nd degree burn) ang kanyang ulo at mukha.
Nagsimula ang insidente dahil sa nahulog na gasera na pinaniniwalang nasagi ni Joanna habang ito’y gumagapang.
Sariwang sariwa pa ang araw na iyon sa alaala ng ina ni Joanna na si Soly Sisracon.
“Walang-wala kami. Hirap na hirap. Walang kuryente, kaya ang pang-ilaw lang namin ay ang gasera” ani Soly.
Dahil sa aksidente, nagdulot ito ng malaking peklat sa ulo at mukha ni Joanna na siyang naging kalbaryo sa kanyang buong buhay pagkabata.
Malaking parte ng ulo nito ang hindi na tinubuan pa ng buhok at naging tampulan ito ng tukso.
Kaya’t imbis na maging katulad ng ibang estudyante na masayang naglalaro at nag-aaral ay naging masalimuot ang kabataan nito.
“Palagi iyan umiiyak kapag umuwi galing school” Pahayag ng inang si Soly.
Lumaki man na may pagsisisi sa pisikal nitong anyo, hindi ito nawalan ng pag-asa. Natutunan niyang mag-ayos ng sarili. Sinimulan nitong gumamit ng kolorete upang matakpan ang peklat at magsuot ng wig para magsilbi niyang buhok.
Lumipas ang panahon at dahil na rin sa lakas ng loob nito, pinakita niya ang kaniyang tunay na hitsura sa social media upang magbigay inspirasyon at ipaalala sa mga netizens na ihinto na ang pang “bu-bully.”
“Masakit man pero kailangan tanggapin… hindi niyo alam ilang taon ako naiinis sa sarili ko” Sabi sa post nito.
Nag-trending ang video nito sa Tiktok at umabot sa mahigit 30 million views.
0 Mga Komento