Pinatunayan ng bagong kasal mula sa Cavite na ang tunay na pagmamahalan ay kayang lagpasan kahit ang bagyo at baha.
Ikinasal sina Randolf Diones at Cristine Lavarias noong kasagsagan ng bagong #PaengPH noong Oktubre 29, 2022.
Ayon kay Cristine, noong una ay medyo panatag pa sila dahil ayon lumabas sa balita na hindi kasama ang Cavite sa mga maapektuhan ng bagyo.
“Pagdating ng tanghali, ayun na dumating na ang malakas na ulan. nagaalarm na ‘yung mga phone na signal number 3 na ang Cavite. Wala na, hindi kana pwede umatras kasi lahat nakabihis na. All set na lahat, wala kanang option kung hindi i-push through,” sabi ni Cristine.
“Habang nasa altar kami, kita namin, may maliit kasi na window, talagang humahampas ‘yung hangin, sobrang lakas tas nagtitinginan kaming dalawa na para bang “ayy di pa rin siya tumitigil, ayaw parin niyang magpapigil,” dagdag nito.
Sa kabila ng masamang panahon, itinuloy pa rin ang wedding ceremony. Sa loob ng simbahan na rin nila ginawa ang ‘post wedding shoot’ dahil malakas na rin ang ulan sa labas.
At nang papunta na sila sa reception ay nakatanggap sila ng mga text messages at tawag sa kanilang mga bisita.
“Maya maya may tumatawag na samin na ‘Tin sorry, hindi na talaga kaya, next time na lang tayo magbonding. Bawi na lang kami sainyo.’ Sabi ko anong nangyayari? Wala po kaming idea na ganun kasi sa area namin wala pang baha,” kwento ng bride.
Nakita rin daw ng bagong kasal na unti-unti ng umaalis ang kanilang mga guests.
“Binababa nila ‘yung window nila, nagpapaalam na sila samin. ‘Yun na nashock na kami. Huh? Talaga bang nangyayari ito satin? Hanggang sa wala na din kaming nagawa, hindi mo na controlled ‘yung situation,” sabi ni Cristine.
Inamin rin ni Christine na nadismaya siya sa nangyari sa araw ng kanilang kasal.
“Planned talaga, almost a year kaming nagprepare for that event. All set na nandun po ang cater Fully paid lahat. Talagang bisita na lang po ang kulang at kaming couple,” sabi ng bagong mag-asawa.
Ang ilan din sa kanilang mga bisita ay hindi na umabot dahil hanggang tuhod na raw ang baha.
“Hoping kami na titila. Sabi namin, pag tumila, diretso tayo, pasok, kaya lang wala na po talaga, hindi tumitila ‘yung ulan. Ngayon sinabihan kami ng iba naming family na “umalis na kayo dyan dahil tumataas ang baha dyan.” Eh ‘yung amin pong bridal car ay kotse, so mababa. Aabutin po ng baha,” kwento ni Cristine.
Isang miyembro ng kanilang pamilya ang nag-suggest na manatili muna sila sa isang fast-food chain dahil sa taas ng baha.
“Pagdating ko sa McDo, talagang gutom, pagod, stress. Ang ginawa namin, inorder na namin lahat para sa bisita namin. Hindi kami aware na ‘yung photo and video team, continue pa din ang pagshu-shoot sa’min. Ang concern ko na lang, kailangan itong mga taong ‘to na naabala namin, kailangan mabusog namin sila. Kasi ‘yung abala, ‘yung stress na binigay namin sobra-sobra,” kwento ni Cristine.
Mula sa 135 guests, 20 lang ang nakasama sa kanilang “impromptu” wedding reception.
“Nung dumating ‘yung family, dumating ‘yung ilang friends, sumaya kami kasi ang support nila, ‘Di Tin, wag kang mag-alala, di ka namin iiwan, dito lang kami.’ ‘Yun po ‘yung nakapagpalakas samin, kaya ngayon nagcelebrate na lang kami,” sabi ni Cristine.
Sa kabila ng nangyari sa araw ng kanilang kasal, nagpasalamat pa rin sina Cristine at Randolf dahil lahat ng dumalo sa kanilang espesyal na araw ay ligtas na nakauwi.
0 Mga Komento