Pinag-iisipan ni Social Welfare Secretary Erwin Tulfo ang pagbibigay ng P1000 cash reward sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon ng mga pamilyang hindi naman karapatdapat na maging benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
"Patuloy at ongoing pa ang paglilinis namin ng listahan. Siguro after that, kapag may narinig pa rin tayong mga kababayan nating nagrereklamo, papasimulan na natin ang pagbibigay natin ng reward na P1000 sa (magsusumbong ng mga) hindi naman dapat beneficiary," saad ng Department of Social Welfare and Development chief.
Paliwanag ni Tulfo, maibibigay lamang ang cash reward kung mapatutunayang totoo ang ibinigay na impormasyon ng sinumang nagreklamo.
Marami raw kasing nagsusumbong sa hotline ng DSWD pero karamihan naman sa mga reklamo ng mga ito ay walang katotohanan.
"Maraming ganon, tumatawag sa hotline namin, agad naming sinisilip, pinapadalhan namin tao, tama nga naman, nasa bahay na bato pero wala sa listahan ng 4Ps. Ibig sabihin, 'di sila tumatanggap," pahayag niya.
Noong lamang nakaraan ay sinabi ni Tulfo na nasa 1.3 milyong pamilya ang natanggal sa listahan ng mga benepisyaryo ng 4Ps dahil "graduate" na raw sila sa kahirapan.
Aniya, hanggang ngayon ay patuloy pa rin sa paglilinis ang DSWD nang sa gayon ay maipasok ang mga pamilya na mas karapatdapat makatanggap ng ayuda mula sa gobyerno.
0 Mga Komento