Ad Code

“From no one to an almost board topnotcher” Enrico Escobar


Sinong mag-aakala na ang dating "sakto lang" noong college ay magiging "almost board topnotcher?"

Ito ang nasa isip ni Enrico Escobar nang pumasa siya sa May 2022 Civil Engineer Licensure Examination.Si Enrico, na residente ng Imus, Cavite, ay produkto ng Cavite State University, kung saan nagtapos siya ng kursong Bachelor of Science in Civil Engineering noong 2020.


On May 13, 2022, ilang araw matapos lumabas ang resulta ng board exam ay nag-post si Enrico sa kanyang Facebook ng: “From no one to an almost board topnotcher.” Nakakuha kasi siya ng rating na 88.70 percent.


Ang dalawang kapwa niya board passers na nasa 10th place ay may rating na 91.55 percent.“Almost” nga naman. Ayon pa sa post ni Enrico, alam naman ng mga kaklase at kaibigan niya na hindi siya magaling noong nasa college pa sila.

Aniya, “Tinanggap ko na nga na ako si ‘sakto lang’. Pero one thing I'm sure, natututo ako.” Lagi rin umanong naglalaro sa 70+ lang ang kanyang grades. Naging challenge din sa kanya ang pagre-review dahil solo flight siya at walang study buddy.

Noong March 16 na rin lang siya nakapag-review nang maayos, at kinailangan pa niyang mag-resign sa trabaho para matutukan ang paghahanda sa board exam.

“Kaya kahit di ako nag-top, feeling ko topnotcher na rin ako sa naabot ko kahit sa kokonting panahon para mag-prepare.”

Ang payo ni Enrico sa mga susunod na kukuha ng board exam, huwag nang masyadong tutukan ang mga subjects na kabisado na “Mag-focus ka sa mga alam mong mahina ka. Internalize the concepts. Sa preboards or quizzes, isulat mo sa hiwalay na papel kung saang topic ka nahihirapan.”
Mahalaga aniya ang oras, kaya i-absorb nang mabuti ang topics. Importante rin para kay Enrico ang index cards. “Para kahit saan ka pumuwesto ng review o mag-review sa labas ng bahay, madali mong makikita ang mga formula mo.”

Ipinayo rin niya na aralin ang trend ng exams. “I-predict mo na kung ano yung nasa isip ng examiners, lalo na ngayon practical ang mga tanungan sa board exams.”

Dapat din aniyang magtiwala sa pacing at advice ng review centers. Dahil batay sa kanyang naging karanasan, “Totoong mas alam nila [review centers] kung paano ka papasa ng board exams.”

Mahigpit pa niyang tagubilin, “Makikinig nang maige sa final coaching.” Ayon kay Enrico, malaking factor din sa pagkuha ng board exam ang tiwala sa sarili.

“Dadating talaga sa punto na mawawalan ka na ng tiwala sa sarili mo, lalo na pag kada tanong sa preboard ay hindi mo masagutan. Pero totoo rin na nakakapagpalakas ng loob ang prayers and advices ng mga taong nakapaligid at nagtitiwala sa iyo.”


Inamin niyang nangarap siyang maging topnotcher. “Nitong April ko lang sinabi sa sarili ko na i-aim ko ang top place. Bigo man, hindi ako kinabahan sa results, payapa ako simula, umuwi ng bahay pagkatapos ng exams hanggang sa oras ng results.”


Biro pa niya, “Mas kinabahan ako sa topnotcher, tumaas ang ambisyon, e! Sa huli, sinabi niyang pinakaimportante sa pagkuha ng board exam ang walang humpay na pagre-review. “Hinding-hindi ka bibiguin ng sarili mo at ni Lord kung alam mong hindi ka nagkulang sa pag-aaral.”

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento