Ad Code

Chicharon Vendor Sa Umaga Estudyante Sa Gabi; Matagumpay Na Pagtatapos Sa Kolehiyo

Marami na ang nagpatunay na hindi hadlang ang edad upang makapagtapos ng pag-aaral at makamit ang diplomang inaasam-asam. Isa na nga sa mga ito ay ang 41-taong gulang na si Jesus Tiwan Fuentes na mula sa Cebu City.


Si Jesus Fuentes ay kilala sa kanilang lugar bilang isang chicharon vendor, at bread winner ng kanyang pamilya sapagkat siya ay mayroong apat na anak. Sila ay naninirahan nga sa isang barong-barong sa Barangay Labangon, Cebu City.
Kahit nga nasa edad 41 na si Jesus at may sinusuportahang mga anak, ay hindi ito naging hadlang upang hindi niya mabigyang katuparan ang pangarap niyang makapagtapos ng pag-aaral at makamit ang diplomang kanyang inaasam. Kamakailan nga lamang ay isa si Jesus sa mga matagumpay na nagtapos sa kolehiyo sa Talisay College sa Cebu, kung saan ay nagtapos siya ng kursong Bachelor of Elementary Education.

Dahil sa tagumpay niyang ito, ay labis-labis ngang nagpapasalamat si Jesus sa lahat ng kanyang mga suki na tumangkilik sa kanyang panindang chicharon, sapagkat isa nga ang mga ito sa naging daan upang siya’y makapagtapos ng kolehiyo.
Noon ngang ika-5 ng Hulyo taon ng kasalukuyan (2022) ay nagbahagi si Jesus via Facebook ng isang appreciation message para sa lahat ng bumili ng kanyang paninda, at gamit nga niya sa pasasalamat niyang ito ay ang lenggwahe nila sa Cebu.

“Sa aking mga suki sa chicharon, maraming salamat sa pagsuporta ninyo sa aking maliit na paninda, kahit maliit basta palagi. Mainit, umulan, pupunta ako sa inyong mga tahanan isa-isa para lamang makasustento ako sa aking mga anak at aking pamilya.”, bahagi ng kanyang post.
Saad pa ni Jesus, ang walang sawang pagbili ng mga suki niya sa kanya ang dahilan para siya’y lalo pang ganahan sa hangarin niyang makapagtapos.“Kasama kayo sa aking achievement sa buhay”, aniya pa.

“Kahit na nagsasawa na kayo sa aking mukha sa pagbalik-balik ko sa inyong mga tahanan, bumili pa din kayo sa akin. Maraming salamat mga suki.“Bili pa din kayo chicharon ko, ha,” saad pa nga ni Jesus.

Maliban sa kanyang mga suki ay nagpaabot din si Jesus ng kanyang pasasalamat sa mga naging guro niya.

“Dahil sa inyo nakatapos ako sa aking pag-aaral at hindi ako natanggal sa aking dream course, maraming salamat sa opportunity dahil sa inyo nakapagtapos ako”, pasasalamat ni Jesus sa kanyang mga guro.

Ayon sa ulat ng Cebu Daily News dahil sa kahirapan ay pahinto-hinto si Jesus sa kanyang pag-aaral. Siya ay bunso sa anim na magkakapatid, at nagtapos nga siya sa kanyang pag-aaral sa high school sa edad na 22. Nakapag-asawa si Jesus sa edad na 23 at nagkaroon nga ng apat na anak, kung saan ang mga edad ng mga ito sa ngayon ay 17,14,10 at siyam na buwan.
Kahit nga naging pamilyado na, hindi pa rin nakalimutan ni Jesus ang pangarap niyang magtapos ng kolehiyo, kaya naman noong taong 2018 siya ay naglakas-loob na muling pumasok sa kolehiyo at nito nga lamang nakaraan ay kanya ng nakamit ang tagumpay at pagtatapos sa kolehiyo na kanyang inaasam.

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento