Isang lapu-lapu na tumitimbang ng 123 kilos ang nahuli ng mangingisdang si Peter Beldeniza, na taga-Brooke's Point, Palawan.
Nai-post ni Peter sa kanyang Facebook account noong May 4, 2022 ang aniya ay “biyaya” na kanyang nahuli.
Nag-iisa si Peter nang mahuli niya ang higanteng lapu-lapu sa karagatan malapit sa Pirates Island sa bayan ng Bataraza noong gabi ng May 3.
Pagbabahagi niya, "Mag-isa lang ako na naglaot, alas dos ng May 2. Pagdating ng gabi, nakahuli ako ng dugso.”
Pero noong May 3 ng gabi ay matumal ang kanyang huli. “Ang tagal, walang kumakagat sa pain ng kawil ko. Siguro walang isda kasi nabulabog niya lapu-lapu.”
Bandang 10:00 P.M. ay naramdaman niyang may kumakain sa kanyang kawil. “Tulingan ang pain ko, mga kalahating kilo. Pag-arya ko ng kawil, itinali ko sa palatik, tapos umikot na ang nylon."
Ang higanteng lapu-lapu na pala ang nakawil niya. Nang mahuli niya ang lapu-lapu ay agad niyang tinalian sa panga at hinila na lang ng bangka hanggang sa pampang. Doon na siya tinulungan ng mga kasamahan na maiahon ang higanteng isda.
"Hindi ko na siya kayang iakyat sa bangka. Itinali ko na lang ng tatlong lubid sa panga ng isda saka hinila ko patabi.”
Kuwento pa ni Peter, magkahalong tuwa at nerbiyos ang naramdaman niya noong mga sandaling iyon.
“Masaya ako at nagpapasalamat sa Panginoon dahil nabigyan ako ng biyaya." Hindi naman ito ang unang pagkakataon na nakahuli siya ng higanteng lapu-lapu.
Nakakawil na rin siya noong 2018 ng isda na may timbang na 40 kilos, at nabenta niya ng PHP4,000. Nang matimbang naman ang bagong huli niyang higanteng lapu-lapu, umabot ito sa 123 kilos. Magkano niya nabenta? Tumataginting na PHP19,000.
Ani Peter, "Pag may ganitong biyaya po, malaki ang pasasalamat namin sa Panginoon. Doble ang blessing namin kasi katatapos lang ng anak naming mag-training sa Philippine Coast Guard, kaya medyo nagkautang din kami. “Kaya ngayon na may panibagong blessing, magbabawas na kami ng mga utang namin."
0 Mga Komento