Bawat bata ay nagna-nais na makatakbo at makapaglaro kasama ang kanilang mga kaibigan. Bawat pagkakataon na ibibigay sa mga ito ay kanilang susulitin,upang maging masaya ang kanilang karanasan bilang bata.
Mula sa mga larong habulan, patintero at tagu-taguan. Natuto tayong tumakbo, madapa at bumangong muli. Subalit, paano kaya kung ikaw ay isang batang hindi kayang tumakbo o lumakad gamit ang iyong mga paa?
Sa istoryang ibinahagi ng
Kapuso Mo, Jessica Soho (One at Heart, Jessica Soho), ipinakilala nila ang batang si Ralph, 10 taong gulang mula sa Davao Oriental. Dahil sa kalagayan ng kaniyang mga paa, si Ralph ay naglalakad gamit ang kaniyang dalawang kamay.
Ayon sa kaniyang ina, kusang natutong maglakad si Ralph pag tungtong niya ng 3 taong gulang.
Inggit ang nararamdaman nito sa tuwing nakakakita siya ng mga batang masayang naglalaro, naglalakad at tumtakbo.
Nakakalungkot ding malaman na nawalan na raw ito ng ganang mag-aral dahl siya ay kinukutya ng ilang kamag-aral at tinatawag na ‘lumpo’.
Bukod sa mga nararanasang niyang ito, hirap din sa buhay ang pamilya ni Ralph. Minsan, kape o asukal lang ang kanilang inuulam.
Sa kabila ng lahat ng ito, ay hindi matatawaran ang pagiging mabuting anak ng batang si Ralph dahil tumutulong ito sa kaniyang pamilya sa pagtatrabaho sa kanilang maisan.
Hirap man sa araw-araw, hindi pa rin naman nawawalan ng pag-asa ang bata, bagkus ay nangangarap itong maging abogado, maayos na buhay para sa kaniyang pamilya at ang pinakaaasam asam na malakad ng normal, gamit ang kaniyang mga paa.
Marami ang naantig at nalungkot sa buhay na kinakaharap ni Ralph. Patunay lamang na hindi lahat ng bata ay maswerteng nabibigyan ng pagkakataon na masulit ang kanilang kabataan.
Nagsisilbi rin itong kamulatan na nawa’y matuto tayong magpasalamat at magpahalaga sa mga biyayang ibinibigay sa’tin. At ipagdasal ang iilan sa ating mga kapwa na hindi pinalad mabiyayaan ng maayos at matiwasay na buhay.
0 Mga Komento