Ang pagiging isang Beauty Queen ay hindi lamang binabase o nasusukat sa magandang mukha, katawan at pagiging matalino. Dapat ay mayroon din itong mabuting puso.
Ito ang ipinamalas ng Beauty Queen na si Khanittha “Mint” Phasaeng, 17, mula sa bansang Thailand.
Si Khanittha ang nanalo sa beauty pageant na “Miss Uncensored News” sa Thailand kung saan inamin niyang isang garbage collector ang kanyang ina. Ayon kay Khanittha, tinutulungan rin niya ang kanyang ina sa pagkuha ng mga basura upang may maipangtustos sila sa pang araw-araw.
Sa mga reports ng media sa Thailand, hindi raw nahihiya si Khanittha na dati siyang nangongolekta ng mga basura at sobrang nagpapasalamat siya sa kanyang ina na garbage collector dahil sa mga sakripisyo nito.
Upang ipakita ang kanyang respeto at pasasalamat, hindi nahiyang lumuhod si Khanittha sa harapan ng kanyang mahal na ina habang suot suot pa ang corona at sash nang makauwi ito galing sa beauty pageant.
“I will still help my mother to collect garbage when I’m free even though she is unwilling to let me do it.” saad ni Khanittha.
Ayon naman sa mga report, nakatanggap na raw ng offer si Khanittha upang maging isang artista.
Samantala, nagkaroon ng komplikasyon ang pagkapanalo ni Khanittha matapos madiskubre na pineke umano nito ang kanyang educational background.
Ayon sa application form, natapos umano ni Khanittha ang Mathayom 6 (Grade 12) noong siya ay 17 years old. Ngunit lumabas na Mathayom 3 lamang ang kanyang inabot.
Tumigil sa pag-aaral noon si Khanittha dahil hindi na kayang tustusan ng kanyang ina ang mga gastusin sa paaralan.
Dahil dito ay nagkaroon ng usap-usapan na babawiin umano ang corona at ang perang napanalunan ni Khanittha.
Ayon sa mga reports, humingi ng tawad si Khanittha at sinabing wala siyang intensyon na dayain ang kanyang educational background. Aniya, ang kanyang uncle umano ang nagfill-up ng form at hindi na niya ito nacheck bago ipasa.
Hindi na rin daw niya maibabalik ang napanalunang pera dahil naibigay na niya ito sa kanyang pamilya. Napagdesisyunan naman ng mga organizers na huwag ng bawiin ang corona at pera kay Khanittha dahil gusto nilang bigyan ng pagkakataon ang lahat ng gustong sumali sa pageant ano man ang estado ng kanilang buhay at kahit ano man ang natapos nila sa pag-aaral.
0 Mga Komento