Hindi maikakailang binago ng makabagong teknolohiya ang ating mundo—mula sa paraan ng komunikasyon hanggang sa larangan ng edukasyon at paglilibang. Kabilang sa mga binago nito ay ang karanasan ng mga mag-aaral sa eskwela.
Malaki na nga ang ipinag-iba ng buhay sa paaralan noon at ngayon. Ito ang naging diwa ng isang trending Facebook post.
Sinariwa ng mga estudyanteng 80s, 90s, at 2000s ang kanilang simple ngunit hindi malilimutang karanasan noong hindi pa hi-tech ang mga bagay bagay.
Sa isang repost ni Rivera A. Randy sa Facebook, nagbaliktanaw siya kasama ng mga bata noon na ‘forgets’ na ngayon. Ayon sa post, hindi raw uso noon ang anunsiyo ng class suspension kaya kahit masungit ang panahon ay papasok sila.
“Walang announcement sa tv o radyo… Papasok ka kahit bumabagyo tapos malalaman mo lang suspended pag nandon ka na at basang-basa sa ulan,” lahad ng post na makailang ulit na ring ini-repost ng ibang Facebook users.
Inalala rin nila ang mas madalas nilang paggamit ng library upang gumawa ng assignments. Dahil wala pang internet noon at hindi pa uso ang Google, oras ang ginugugol nila sa paghahanap ng mga batayang aklat, lalo na kung mayroong mga report, assignment, research, at projects.
Masayang alaala rin para sa mga kabataan noon ang half day na araw ng exam. Uso na noon ang kopyahan at may mga hindi na rin daw bukas sa pagpapakopya ng mga sagot nila noon. Gayunman, masaya naman daw sila pagkatapos ng pagsusulit dahil magkakaroon ng bonding ang barkada.
Dahil hindi pa rin hi-tech noon, mas maraming isinusulat sa notebook at papel ang mga mag-aaral noon. Kapag ikaw ang secretary ng klasrum, paniguradong hindi mo raw malilimot ang napakahabang lekturang isinulat mo sa pisara para sa buong klase.
Hindi rin nakaligtas ang mga paboritong bahagi ng pag-aaral na hindi akademiko. Nariyan ang todong pagtitipid sa baon at mga panawid-gut0m na street food sa paligid ng eskwela. Kabilang din sa sinariwa ang simpleng Christmas party at ang paangasan ng suot na damit kahit mumurahin lang.
Disclaimer ng post, batid ng mga nakatatanda ngayon na masaya rin naman ang pag-aaral ng mga bata ngayon, ngunit ang sa kanila ay simple ngunit masaya kahit wala pang gadgets.
Ikaw, ano ang hindi mo malilimot na alaala bilang isang estudyante?
0 Mga Komento