Nakatakdang ipamahagi ang P500 buwanang ayuda para sa bawat mahihirap na pamilya bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hunyo 30, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Huwebes.
Matatandaang nitong Marso na nauna nang iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte na bigyan ng P200 kada buwan ang mahihirap na pamilya, na kalaunan ay itinaas sa P500, para makayanan ang tumataas na halaga ng langis at mga bilihin.
Ngunit ang naturang ayuda na pakikinabangan ng humigit-kumulang 12.4 milyong kabahayan, ay nananatiling hindi naipamahagi hanggang ngayon.
“Inaasahan po natin na itong P500 per month na subsidy ay maumpisahan na nga po bago magtapos ‘yung termino ni Pangulong Duterte,” ayon kay DSWD spokesperson Irene Dumlao sa Laging Handa public briefing.
Hindi naman nito binanggit ang tiyak na petsa kung kailan magsisimula ang disbursement habang isinasagawa pa ang paghahanda.
“Ina-account na po natin kung ilan sa ating mga mahihirap na pamilya ang mayroon nang mga existing na cash cards upang sila na po ‘yung maunang mapahatiran ng first tranche ng subsidy po na ito mula sa national government,” ani Dumlao.
Nauna rito, sinabi ng Department of Budget and Management na ang P500 monthly subsidy ay para lamang sa loob ng tatlong buwan, o kabuuang P1,500 kada pamilya.
0 Mga Komento